Monday, July 9, 2012

SEX, BAKIT KA NILIKHA NG DIYOS?



1. Panimula : Ang pananaw ng tao sa Sex.

Kapag pinag-uusapan ang sex ang pumapasok kaagad sa isipan ng tao ay malaswa at madumi. Kaya hindi ito basta basta nababanggit sa usapan ay sapagkat mayroon tayong naramramdaman na kahihiyan . Ang totoo, ito'y isang maselang  paksa na  ilalahad mo lamang sa taong mapapagkatiwalaan. Subalit sa mga kabataan, lalo na sa mga walang karanasan ito ay walang pakundangang  pinag-uusapan kapag sila'y nagkakatipon-tipon. Natatandaan ko pa nang ako ay nagbinata sa edad na 13 taon, naramdaman ko ang pagbabago sa aking katawan at pagkakaroon ng malisya sa aking isipan ukol sa sex. Bakit nga ba ganito ang ating pagtingin sa sex?
Kung babalikan natin ang ating kasaysayan mula pa kay Eva at Adan, ang una nating magulang, mamalas natin na  mayroon silang malinis na kaisipan tungkol sa sex. Simula pa nang sila ay nilikha ng Diyos, sila ay hubo at hubad, walang suot na damit at hindi  nahihiya na makita ang isa't isa. Tulad natin noong tayo ay mga bata pa, wala din tayong malisya na tumitingin sa isa't isa kahit tayo'y hubad at walang damit.

2. Papaano ba nagkaganito ang ating pagtingin sa Sex at kailan Ito nangyari?



Kung babasahin natin ang Genesis, ang unang kabanata sa Bibliya, kung saan matutunghayan ang paglikha ng Panginoong Diyos sa buong daigdig at sa unang tao, matutuklasan natin ang pangyayaring ito. Pagkatapos malikha ang buong mundo at  ang tao, sinabi ng Diyos kay Eva at Adan na maaari nilang kainin ang lahat ng prutas at pagkain sa kanilang kapaligiran  huwag lang ang prutas ng puno sa gitna ng paraiso sapagkat sa oras na ito ay kanilang kainin sila ay mamamatay. Datapwat, isang araw si Eva ay tinukso ng dimonyo at sinabi sa kanya na hindi totoo na sila ay mamamatay kapag kinain nila ang prutas, bagkus  sila'y magiging parang Diyos din na alam ang mabuti at masama. Noong nadinig ni Eva na sila ay magiging parang Diyos din kumislap ang kanyang mga mata at sumunod sa tukso ng dimonyo. Pinitas niya ito at kinain at pagkatapos ay binigyan si Adan at kinain din. Nang sandaling kinain nila ang prutas, nagkaroon kaagad sila ng malisya at pagdakang kumuha ng mga dahon upang itakip sa kanilang katawan dahil natuklasan nila na sila pala ay hubo at hubad. Dati na silang hubo't hubad. Mula pa nang sila'y nilikha ng Diyos, sila ay ganoon na at walang malisya ang kanilang pagtingin sa kanilang katawan. Subalit nang sila ay sumuway sa utos ng Maykapal, dinumihan ng dimonyo ang kanilang pag-iisip.

3. Paano ba dapat natin tingnan ang Sex?

Ang sex ay mahihintulad natin sa isang malinis at magandang larawan (painting) na nilikha ng Diyos. Subalit, ano ang ginawa ng dimonyo sa larawang ito? Binato niya ito ng kamatis, binato niya ng putik, binato niya ng dumi. Ano ngayon ang itsura ng larawang ito? Nababoy at maduming  tingnan! Sumama  ang ating pag-iisip tungkol sa sex! Ano naman ngayon ang dapat nating gawin? Dapat nating linisin ang ating pag-iisip  sa sex, bigyan ito ng tamang pag-galang at huwag  gamitin sa kabastusan!

Ang sex ay isang biyaya na ibinigay ng Diyos sa tao. At ang pinakamahalagang nilalaman ng biyayang ito ay ang pribeleheyo na makibahagi sa kapangyarihan ng Diyos na makalikha ng tao. Sa pamamagitan ng pagtatalik ng mag-asawa, nakakabuo sila ng katawan ng tao at kasabay nito, inu-ugnay ng Diyos sa katawan na nabuo sa sinapupunan ng ina ang kaluluwa na Kanyang nililikha. Kung may kasiyahan na naidudulot ang sex sa mag-asawa, ang pagkakaroon ng anak na bunga ng pagmamahalan ng mag-asawa ay higit at napakalaking kaligayahan  sa  buhay nila. Dahil diyan, dapat tayong magpasalamat sa Panginoong Diyos sa biyaya at grasyang dulot ng sex.

Maaaring maiba ang paglikha ng Diyos sa atin. Kung nanaisin ng Diyos na ang tao ay mabuo sa sanga ng puno katulad ng bunga na lumilitaw sa  mga sanga, marahil sa mundong yaon ay mayroon  ibat ibang puno na nagbubunga ng ibat ibang lahi: may Pilipino,  Indian, Intsik,  Aliman at marami pang iba pa katulad ng mga lahi na nasa daigdig na ating ginagalawan ngayon. At kung magkakagano'n, ang tao ay wala ng magulang at wala ng kapatid. Siguro, tayong lahat ay pipitasin katulad ng mga prutas sa puno at aalagaan sa bahay ampunan. Pagnilaynilayan natin kung anong klasing buhay mayroon tayo kung ganyan ang ating  pagkakagawa. Malamang  lalong mahirap at magiging malungkot ang ating buhay. Subalit ang Diyos ay mabuti, matalino at mapagmahal sa tao, kaya nilalang Niya tayo sa larawan Niya at hindi parang isang bunga na naggagaling sa punong-kahoy.  Samakatuwid, dapat nating alalahanin at pasalamatan  ang kabutihang pinamamalas ng Maykapal sa pagkakaloob sa atin ng sex.

Ngunit, sa halip na Siya'y pasalamatan ang ginaganti natin  ay kasalanan. Ang karamihan ay nagkakasala sa Diyos dahil sa maling pag-gamit ng sex. Dahil sa nadumihan ang ating pag-iisip ng dimonyo sanhi ng pagkakasala ng ating unang magulang, kung kaya labis tayong naging mahina sa paglaban sa mga tukso sa sex. Ang pang-anim na utos ng Diyos na  “Huwag kang maki-apid .” ay tumutukoy sa maling pag-gamit ng sex. Sa panahon natin ngayon ay maraming nagkakasala sa pang-anim na utos sapagkat maraming hindi  nakakaunawa ng tamang  kahulugan ng sex at wastong pag-gamit nito.

4. Ano ba ang tamang pag-gamit ng Sex?

Upang magamit ang sex sa wastong  paraan, mahalagang malaman natin ang tamang layunin nito, sapagkat kung hindi, ito ay mabababoy o mapapasama. Ano mang bagay na ginagamit labag sa layunin nito  ay mali at masama. Katulad ng gunting  na ginagamit para sa papel ay maling gamitin sa goma o plastic dahil ito ay pupurol. Ang disenteng sapatos na ginagamit para sa pormal na okasyon ay maling gamitin sa basketball sapagkat malamang mabalian ang paang  gagamit nito o kaya'y masira ang sapatos. Kung ang mga gawa ng tao ay may kanya-kanyang layunin,  ang gawa ng Diyos ay may makahulugan at tamang layunin. At ito ay siyang  tutoo sa paglikha ng Diyos sa tao, ang  pinakamahalagang nilalang ng Dios sa daigdig na ito.

5. Ano ba ang layunin ng Sex? (WHAT IS THE PURPOSE OF SEX?)

Ang una ay pag-likha ng bata (for pro-creation). Hindi mahirap unawain na ang layunin ng Diyos para sa sex ay  pag-likha ng sanggol. Kapag nakita mo ang gunting at papaano ginagamit ito ng tao, alam mo kaagad na ito ay ginawa ng tao upang mag-gupit. At ang sex kapag ginagawa ng tao, dito   nalilikha ang isang bata. At wala ng ibang paraan na natural at madali sa paglikha ng tao kundi sa pamamagitan ng sex. Ito ang pinakadahilan kung bakit binigay ng Diyos iyon sa tao.

Ang pangalawa ay para sa pagmamahalan ng mag-asawa (for the intimacy of the spouses).  Ang sex ay para sa mag-asawa lamang. Ang lalaki at babae na sumusumpa na magsasama sa hirap at ginhawa, sa lungkot at ligaya, na may commitment sa kanilang pagsasama hangang sa kamatayan, ay may karapatan at tungkulin lumikha ng bata. At sinumang gumagamit nito na hindi mag-asawa ay nagkakasala.

Sa pitong taon kong pagtuturo sa mga kabataan, may apat na  estudyanteng lalaki na aking nakilala na lumaki na wala o malayo sa  kanilang magulang. At sa kuwento ng buhay nila ay napatunayan ko  na ang natural o likas na tahanan ng isang bata kung saan matatagpuan niya ang hinahanap na kaligtasan (security) at kaligayahan ay sa kupkop at piling ng kanyang mga magulang, sa isang pamilya.  Ikinuwento nila sa akin ang kanilang naging buhay na wala sa piling ng kanilang magulang.  At ito ang kuwento ng isang binata na 22 taon na gulang:

“Sir, marami po sa aking kaklase na nagtataka bakit po daw ako laging nakangiti. Sabi ko po sa kanila, wala lang, masayahin lang talaga ako.” Tanong ko sa kanya, iyon ba talaga ang dahilan? Sagot niya sa akin, “Sir, kaya po ako laging ngumingiti ay para po ako maging masaya. Kasi po kapag hindi po ako ngumingiti, malungkot po ang aking pakiramdam.” Eh bakit naman ganoon ang pakiramdam mo?.... “Kasi po noong maliit pa po ako ay iniwan po ako ng aking mga magulang. Noong sanggol pa ako, ang tatay ko ay nag-asawa ng iba at hindi naglaon, ang nanay ko ay nag-asawa na rin ng iba. Iniwan po ako sa lola ko sa panig ng aking ina. Pakiramdam ko hindi ako mahal ng tatay ko, hindi ako mahal ng nanay ko, hindi po ako mahal ng mga magulang ko kaya po nalulungkot ako. At lagi ko itong ala-ala at hindi mawala sa aking isipan hangang sa aking paglaki. At hangang ngayon ay dala-dala ko ito sa aking   ala-ala  kaya palaging malungkot ang aking  damdamin. At upang maging masaya ang aking damdamin, ako ay ngumingiti at nawawala o nababawasan ang nararamdaman kong kalungkutan.”

Maaari ninyo itong subukan. Subukan ninyong ngumiti at mararamdaman ninyo ang kaunting kasiyahan . Kahit kayo ay galit, kapag may dumating na bisita at kailangan magpakitang mabuting tao, subukan ninyong ngumiti at kahit papaano ay mababawasan o kaya ay mawawala ang iyong pagka-inis. Ganyan ang palaging ginagawa ng aking mag-aaral na nahiwalay sa kanyang magulang  mula pa ng kanyang  pagkabata.

Ang pangalawang binata na nagkuwento sa akin ng kanyang talangbuhay simula pa ng kanyang pagkabata  ay  labing pitong (17) gulang na. At narito naman ang kanyang salaysay:
“Sir, nalulungkot po ako kapag nakakakita ako ng mga bata na kasama ang kanilang mga magulang. Naluluha po ako kapag nakikita ko ang isang buong pamilya na samasama na naglalakad sa karsada. Hindi ko napapansin bigla na lang may mga luhang tumutulo sa aking mga mata kapag pinagmamasdan ko ang isang pamilya na samasamang namamasyal sa mall,... samasamang nagliliwaliw sa pasyalan, o samasamang nagdadasal sa simbahan,... kasi po hindi ko po ito kailan man naranasan. Noong bata pa po ako, ang aking itay ay humiwalay sa amin at nag-asawa ng iba. Samantala, ang aking inay ay nagtungo sa ibang bansa upang magtrabaho at sustentohan ang aking mga panganga-ilangan. Iniwan po ako nag-iisa ng aking inay sa aking lola. Lumaki po ako na wala po sila. Bihira pong umuwi si inay at sa internet at cellphone lang kami nakakapag-usap at hindi po ito madalas.”

Ganito ang pagkagawa ng Diyos sa tao. Hindi magiging ganap ang kanyang buhay kung wala siyang magulang. At labis ang kanyang kalungkutan kapag lumaki siya na hindi nadama ang kalinga at pagmamahal ng isang magulang. Marahil matatandaan ninyo pa kung papaano umi-iyak ang isang bata kapag siya ay ini-iwan ng kanyang ina. Umi-iyak ang bata sapagkat natatakot siya na walang mag-aaruga sa kanya at baka siya ay mapabayaan. Lubos sa kanyang pakiramdam (he fully knows well by instinct) na hindi niya kayang mabuhay nang walang nagmamahal na magulang. Labis ang takot (insecurity) ng isang bata kapag wala ang kanyang magulang. Natatakot siya na kapag nawala ang kanyang ina, wala sa kanyang magpapakain, walang mag-iintindi sa kanyang panganga-ilangan, at walang siyang tiyak na kaligtasan. Alam niya na hindi siya pababayaan ng kanyang magulang lalo na ng kanyang ina kung saan siya nabuo at nabuhay ng siyam na buwan bago pa siya isinilang. Ang likas na tahanan ng isang bata kung saan niya matatamo ang hinahanap niyang kalinga at pagmamahal ay sa piling ng kanyang magulang.

Habang buhay na daladala ng mga binatang nakausap ko ang kanilang pighati at kalungkutan. Ito ay nakatatak na sa kanilang  isipan  at damdamin hangang sa kanilang kamatayan.

6. Ano ba ang mga kasalanan labag sa pang-anim na utos ng Dios: Huwag kang makikiapid?

6.1) PRE-MARITAL SEX

Ang pre-marital sex ay pagtatalik ng magkasintahan at ayon sa nasabing paliwanag ito ay masama at isang kasalanan. Ito ay lumalabag sa pangalawang layunin ng sex: para sa pagmamahalan ng mag-asawa lamang, mga taong may tanging commitment sa isa't isa. Kahit pa ang   magkasintahan ay labis na nagmamahalan , hindi nila masasabi na sila ay may tunay na commitment sa isa't isa. Kahit pa sabihing ikakasal na sila bukas, wala paring  tunay na commitment sila sa isat isa. Sapagkat kung sakaling makita ng lalaking kasintahan ang babae na kasama ang dating nobyo at naghahalikan pa, ano kaya ang kanyang gagawin? Marahil  pwede na silang maghiwalay ng walang pag-uusap o paalam man lamang. At kung kinagabihan bago sila ikasal ay hindi nagustuhan ng lalaki ang hindi wastong pakikitungo ng babae sa kanyang magulang, marahil ito ang magiging dahilan kung bakit hindi matutuloy ang kanilang pag-iisang dibdib sa simbahan. Pwedeng mapanghinaan ng loob ang lalaki at sabihin sa sarili, “kung ngayon na hindi pa kami kasal ay nagagawa na niya iyan, papaano pa kaya kung kami ay kasal na? Kung may tinatagong masamang ugali ang kasintahan ko, mas lalabas ang masasamang ugali niya kapag asawa ko na siya. Hangang pwede pa akong bumitaw at walang mahigpit na pananagutan sa kanya, mamabutihin ko nang humiwalay sa kanya ngayon, baka may mas masahol pang pangyayari na dumating sa buhay ko kapag kami ay kasal na.”  Ganyang kababaw ang commitment ng magkasintahan. Samantala kapag sila ay kasal na , kahit pa makita ng lalaki ang kanyang asawa na galing sa motel na may kasamang ibang lalaki, sila ay mag-uusap upang liwanagin kung ano ang nangyari sa kanilang pagmamahalan. At lalo na kung may natitira pang pagmamahalan sa bawat isa, mas madaling magpatawad sapagkat sila ay nakatalaga na sa isa't isa.

At ano kaya ang mangyayari kapag nabuntis na ang babae at sila ay maghihiwalay? Sa unang banda ay kawawa naman ang babae, nawala na ang kanyang dangal at reputasyon. Subalit ang totoong kaawa-awa ay ang batang walang kumpletong magulang.

6.2) CONTRACEPTION

Ang contraception ay anumang bagay na naghahadlang ng pagbubuntis ng babae kapag siya ay nakikipagtalik sa lalaki, at maliwanag na labag ito sa unang layunin ng sex at iyon ay ang pag-likha ng bata ( pro-creation). Ito ay mali at malaking kasalanan. Kung gagamit ka ng ballpen at hindi mo tatanggalin ang takip, paano ito susulat. Ito ay magiging isang kalokohan. Kung ikaw ay magsesex at gagamit ng condom upang pigilan ang pagbuo ng buhay, ito ay isang kasalanan. Marahil sasabihin ng iba na ang sex ay para din sa kasiyahan at pagmamahalan ng mag-asawa, at hindi lamang para sa pagbuo ng bata. Kaya kung ang pag-gawa ng bata ay makakapag-pabigat sa kanilang buhay at sa buhay ng magiging bata, maaari itong pigilan at hindi ito isang kalokohan. Tama ba ang ganitong katuwiran???

6.2.1) Bakit ba ginawa ng Diyos na masarap ang sex?

Ito ay para gawin upang dumami ang  tao sa lupa (Genesis 9:7). Bakit ginawa ng Diyos masarap kumain? Ito ay para gawin upang maging malusog at malakas ang katawan. Sapagkat kung ang pagkain (the act of eating) ay mahirap, tatamarin tayong kumain at tayo'y magiging sakitin hangang tayo ay mamatay. Masama ang sobrang pagkain sapagkat ito ay labag sa layunin ng pagkain, hindi dahil lamang na baka ma-uubusan ang ating kapatid na nanganga-ilangan din kumain kundi dahil din ito ay makakapinsala sa ating kalusugan at katawan. Kaya kung sobra-sobra ang pagkain (food), masama pa din magtakaw sapagkat ito ay makasasama sa katawan. Hindi naman pwedeng kumain ng kumain para magpasarap lamang at kapag busog na ay isusuka ang kinain para makakain muli. Ito ay kababuyan na ng pagkain ( perversion of eating)  at pagsayang sa biyaya ng Diyos (food is a blessing from God) at tunay na labag  sa layunin ng pagkain. Iyan ang dahilan kung bakit masamang magtakaw. Ito ay lumalabag sa layunin ng pagkain na magbigay kalusugan at buhay sa katawan. Ang sex ay ganoon din. Totoo na ang sex ay para din sa kasiyahan at pagmamahalan ng mag-asawa subalit hindi natin pwedeng gamitin ang sex  upang magpasarap lamang at at itakwil ang biyaya ng Diyos na tunay na  labag sa Kanyang layunin.  Ang masmahalagang layunin ng sex ay ang pag-gawa ng bata at hindi mo basta basta pwedeng labagin ang layuning  ito ng walang mahalagang dahilan. At kung sakali mang kailangan pigilan ang pag-gawa ng bata , ito ay sa pamamagitan lamang ng “calendar method”, ang paraang natural na ibinigay  din ng Diyos sa tao.

Kung pwedeng pigilan ang paggawa ng bata sa pamamagitan ng natural method (calendar method), bakit hindi pwedeng gamitin ang artificial method tulad ng condom. Ano ba ang malaking kaibahan nila at bakit masama ang artificial method? Di ba pareho lang ang resulta: hindi mabubuntis ang ina? Eh, ano ba ang kaibahan ng hintayin mong mamatay si lola sa kanyang terminal cancer sa binigyan mo si lola ng lason upang mapabilis ang kanyang kamatayan? Di ba pareho din ang resulta: patay na lola? Oo, subalit, ang huli ay pagpatay ng tao, samantala ang una ay Act of God o kagustuhan ng Diyos.

Kung nakikita mo ang kaibahan ng euthanasia at natural na kamatayan ng tao, makikita mo din ang kaibahan ng artificial contraception at calendar method. Hindi ko sinasabing ang artificial contraception ay pareho din ng pagpatay ng tao. Hindi iyon ang aking hinahambing. Ang ibig kong sabihin ay ang natural na pagkamatay ni lola at ang hindi pagiging fertile ng babae sa mga takdang panahon ay parehong Acts of God o kagustuhan ng Diyos. Subalit ang pagpatay kay lola o ang sadyang gawing baog ang pagtatalik, nilalagay natin sa ating kamay ang kapangyarihan ng buhay at ginagawa natin ang ating sarili na parang Diyos.

2 comments:

  1. This is VERY GOOD!
    This is a very EXCELLENT chance to promote the study and reading of the Compendium of the Catechism of the Catholic Church (CCCC), the Catechism of the Catholic Church (CCC), the You-Cat, and all other books! This can very much support the call of a certain bishop, a head of a certain particular church (certainly part of the universal Catholic Church), to support the Pope's call for renewed faith.
    I would suggest you add at the end of each article a list of FURTHER READING MATERIALS. This list would show appropriate points (for example: 2244, CCC) in CCCC, CCC, and You-Cat corresponding to the topic and theme of each article.
    This will be good way to gently guide your readers to fall in love with the beautiful teachings of the Catholic Church.
    Keep the fire burning!

    ReplyDelete
  2. grabe na shock po ako sa tinuro nyo and 2012 pa po pala ito, na shock po talaga ako ngayon malinaw na saakin at ngayong December 26 2024 1:43AM ko lang po ito nabasa kasi nag s-search po ako sa google na bakit ginawa ng diyos ang sex, at bakit ang sex out of marriage ay isang kasalanan

    ReplyDelete